Thursday, June 11, 2015

Financial Litercy: Ano ang INVESTMENT?

So ano ba ang ibig sabihin kapag ikaw ay nag invest? Well, investing means…

“The act of committing money or capital to an endeavor with the expectation of obtaining an additional income or profit.”

Ahh, nosebleed! Sa madaling salita, ito ay ang puhunang pera o capital na ilalagay mo sa isang bagay — gaya ng negosyo, real estate, mutual funds, stocks, at iba pa — para ito ay lumago.

Ang paborito kong definition ng investing ay ito:

“Investing means putting your money to work for you.”

‘Di ba ang taray? Ang pera mo ang magtatrabaho para sa’yo. Karamihan sa atin ay nagtatrabaho para kumita. Kung gusto mong madagdagan ang kita mo, kailangan mong mag overtime sa trabaho. Ang problema, may limitasyon kung hanggang ilang oras ka lang pwede mag trabaho sa isang araw. Kapag ganito ang seste, ano ang silbi ng maraming pera kung wala ka namang panahon para ma-enjoy ito?

Dito ngayon papasok ang investing. Kapag pinagtatrabaho mo ang iyong pera, pinapalago mo ang iyong kita habang ikaw ay nagtatrabaho; habang ikaw ay nakasakay sa jeep; habang ikaw ay natutulog; at habang ikaw ay nag fe-facebook.

Eh paano mo nga ba pagtatrabahuin ang pera mo? Well, ilalagay mo ang iyong hard-earned money sa mga tinatawag na investment vehicles gaya ng:

Stocks

Kapag bumili ka ng stocks o shares ng isang kumpanya, ikaw ay magiging part owner nito. Ibig sabihin, isa ka na sa mga may-ari o stockholder (pwede ring shareholder) ng kumpanya. At bilang part owner, makakakuha ka ng bahagi sa profits o kita ng kumpanya. Ang tawag dito ay dividend. In my case, isa ako sa mga may-ari ngayon ng Jollibee. Oh, say mo? hihihi

Pros:

Kumpara sa ibang investment vehicles, malaki ang potential na lumaki ng iyong pera dito.
May bonus kang kita dahil sa dividend.
Pwede kang bumili ng stocks ng iba’t ibang kumpanya. Ang tawag dito ay diversification.
Cons:

Ang presyo ng bawat share ay nagbabago araw araw, kaya pwede kang malugi o kumita araw araw.
Hindi lahat ng kumpanya ay nagbibigay ng dividend.
Kapag malugi ang isang kumpanya kung saan ay isa ka sa mga stockholders, may posibilidad na mawala din ang iyong investment.
Bonds

Kapag bumili ka ng bond, ikaw ay nagpapahiram ng pera sa isang kumpanya o sa isang government. In return, babayaran ka nila ng interest at sa kalaunan ay babayaran nila ang halagang pinahiram mo. Para ka lang nagpa 5/6 sa kanila, ganyan, hehehe.

Pros:

Kumpara sa stocks, mas safe at stable ang bonds.
Halos risk-free ito.
Cons:

Kaunti lang din ang potential na kikitain mo dito dahil mas mababa ang interest rate ng bonds.
Malaking pera ang kailangan dito para makabili ng bond. Hindi naman uutang ang gobyerno ng P5,000 lang, ‘di ba?
Mutual Funds

Sabi ni Bro. Bo Sanchez ng Truly Rich Club, ang mutual fund ang pinaka basic na investment vehicle.

Kapag bumili ka ng mutual fund, nakiki-ambag ka sa ibang mga investors para makalikom ng sapat na pera. Ang perang ito ay ibibigay n’yo sa isang fund manager na s’ya namang pipili kung saang investment vehicles n’ya ito ilalagay.

Pros:

Perfect ito sa mga taong walang oras at totally walang alam tungkol sa investing, pero gusto nilang mag invest.
Ang pera mo ay naka invest sa iba’t ibang investment vehicles.
Cons:

Bahagi ng binabayad mo sa mutual fund ay napupunta sa fund manager bilang komisyon nito at sa kung anek anek pang fees.
Wala kang control sa iyong investment dahil ang fund manager ang gumagawa ng lahat ng desisyon.
Real Estate, negosyo, at iba pa

Marami pang ibang investment vehicles out there. Hindi pa ako nakapag invest sa mga nabanggit ko sa itaas, maliban na lang sa stocks. Sa ngayon, I have only invested in the Philippine Stock Market, so ito pa lang ang kaya kong ituro sa inyo. Ayokong ituro yung mga bagay na ako mismo ay walang alam kasi magmumukha lang akong shunga, ‘di ba?

Tandaan, lahat ng nabanggit ko sa itaas ay may kanya kanyang risks, advantages, at disadvantages. Kahit saang investment vehicle ka mag invest, ‘wag mong kalimutan na kaya tayo nag i-invest ay para magtrabaho ang pera natin para madagdadan ang ating kita. Bago kayo pumasok sa isang investment, make sure na alam at naintindihan ninyo ang lahat ng tunkgol dito. Mag basa, mag aral, at mag tanong. Dapat ikaw ay tunay na Filipi-Know!

Anyway, ang kakampi mo sa investing ay ang oras at kailangan mo ng mahabang pasensya. Gusto ko lang e-emphasize na ang pag i-invest ay hindi isang get-rich-quick scheme. Hindi ka agad yayaman kinabukasan o next month. Taon ang bibilangin bago mo makuha ang “ani” sa iyong investment. Kaya nga mas maganda na mag invest habang ikaw ay bata pa, dahil mahaba pa ang oras at panahon para mapalago ang  pera mo. Kung kaya mo nang mag invest kahit fetus ka pa lang, go! At kung wala ka namang pasensya, mag Candy Crush ka na lang, chause!

Ngayong darating na buwan ng September, 35 years old na ako. Malaki ang panghihinayang ko kasi ngayon ko lang natutunan ang tungkol sa investing. Pero okay lang, kasi mahaba pa naman ang buhay ko. Ang average life span ng mga Pinoy sa ngayon ay 85 years old, so may time pa ako. ‘Di ba, Lord? hihihi

So ano, malinaw na ba sa inyo? Kung hindi pa, mag  question and answer portion tayo.

Question: Kapag nag pundar ka ng P2,000 para magtayo ng isang sari-sari store, investment ba ito?
Answer: Oo, dahil kapag maganda ang pamamalakad mo sa iyong sari-sari store ay tiyak na lalago ang P2,000 mo.

Question: Kapag bumili ka ng latest model ng iPhone sa halagang P35,000, investment ba ito?
Answer: Hindi, dahil ang cellphone — gaya ng ibang mga gamit — ay naluluma. Kung ibebenta mo ito matapos mong gamitin ng ilang buwan, hindi mo na mababawi ang P35,000 mo. Plus, gagastos ka pa para sa load.

Question: Kapag palagi kang tumataya sa lotto, investment ba ito?
Answer: Hindi, dahil wala kang kasiguraduhan na mananalo ka. Ang tawag d’yan ay sugal.

Question: Investment bang maituturing ang Savings Account mo sa bangko?
Answer: Hindi, dahil ang average interest rate na binibigay sa’yo ng bangko bawat taon ay 3.5% lang. Ang average inflation rate ng Pilipinas ngayon ay nasa 5.5% kada taon. So, kinakain lang ng inflation ang kinikita mo sa bangko. Ano kamo ang inflation? Ipinaliwanag ko ‘yan dito.





back to HOMEPAGE

No comments:

Post a Comment