Importante ang pagkakaroon ng layunin o goal para maging successful ang isang investment. Kailangan meron kang time frame. Dapat alam mo kung hanggang kelan ka mag i-invest bago mo ito kailanganin.
Ang bawat isa sa atin ay may kanya kanyang layunin. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa pinaka importanteng layunin ni Juan:
Talunin Ang Inflation
Nakakatuwang isipin na walo sa bawat sampung Juan ay may savings account sa bangko. Pero nakakalungkot ding isipin na isa lang sa bawat sampung Juan ang marunong mag invest.
Ang binibigay na interest ng bangko bawat taon ay 2% to 3.5% lamang. It does not beat the 5.5% average inflation.
Ito ang dahilan kung bakit ang mayaman ay lalong yumayaman, at ang mahirap ay lalong naghihirap. Kulang sa kaalaman ang karamihan sa atin kung paano mapapalago ang ating kita, nang sa ganon ay matalo natin ang inflation.
Alam n’yo ba na…
“Only 1% of Filipinos are investing in the stock market.”
Ang 99% sa atin ay nag iimpok lang sa bangko o nag i-invest sa iba’t ibang investment vehicles. ‘Yung iba, tumataya sa lotto na hindi naman maituturing na investment. Ito ay sugal.
Ngayon, kung 1% lang sa ating mga Pinoy ang nag i-invest sa stock market, napakalaki ng potential dito na lumaki ang iyong pera ng higit pa sa inflation rate! Ayaw mo maniwala? Pwes, tingnan mo itong graph sa ibaba.
Makikita mo sa graph na ito ang Compound Annual Growth Rate or CAGR ng iyong pera kapag ito ay ininvest mo sa stock market (PSEi), treasury bills (T-Bills) at iba pang bonds.
Halimbawa: Kung simula noong January 2012 ikaw ay nag invest ng P5,000 bawat buwan, at itutuloy mo ito sa loob ng 5 years (hanggang December 2016)…
Sa isang taon, ikaw ay nakapag invest ng: P5,000 x 12 = P60,000
Sa loob ng 5 years, ang total investment mo ay: P60,000 x 5 = P300,000
Dahil sa CAGR, tumubo ang iyong pera ng higit sa P100,000! Isipin mo na lang kung gaano kalaki ang ilalago ng pera mo sa loob ng 10 years. Mga 1.7M lang naman, ‘teh! Kaya bang kitain ‘yan ng savings account mo sa bangko?
Pang College Ng Mga Bata
Lahat ng magulang ay gustong matulungan ang kanilang mga anak na makamit ang kanilang mga pangarap. Ang problema, napakamahal na ng quality education dito sa Pilipinas.
Hindi ko na kayo bibigyan ng graph o mga computation dahil siguradong may idea na kayo kung magkano ang tuition fee sa college. At alam n’yo din na halos taon taon ay tumataas ito.
Kung magsisimula kayong mag invest habang maliliit pa ang inyong mga anak, sigurado akong matutupad ang mga pangarap nila para sa kanilang sarili, at para sa kanilang mga magulang.
Makamit Ang Pangarap
Lahat tayo ay nangangarap na magkaroon ng lupa’t bahay, sasakyan, makapag bakasyon sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas o sa ibang bansa, at magkaroon ng negosyo. Pero paano natin ito makakamit kung halos walang natitira sa pera natin dahil sa dami at mahal ng gastusin araw araw?
‘Yung iba, nag lo-loan o umuutang sa bangko, sa Pag-IBIG, sa Bombay, at sa kung saan saan para lang makamit kaagad ang pinapangarap. Impatient much, ‘teh? Hindi naman masama ang mag apply ng loan. Pero dapat ito ay pinag-iisipan, pina-plano, o pinag-aaralan ng mabuti; dapat ay meron kang fixed na income bawat buwan; at dapat ay meron kang stable na trabaho.
Hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa future. Paano kung matanggal ka sa trabaho? Saan ka kukuha ng pang hulog mo sa iyong inutang na lupa’t bahay? Kung hindi ka makapag hulog, may posibilidad na kunin ng bangkong pinagkakautangan mo ang iyong pinaghirapang bahay. Bakit? dahil ito ay utang. Hindi ito lubusang mapapasayo hangga’t hindi mo pa ito nababayaran ng buo, kasama ng interest.
Kung i-invest mo ang pera mo, pwede kang makabili ng lupa’t bahay sa mas maikling panahon kesa sa kung huhulugan mo ito. Mababayaran mo pa ito ng cash. Wala kang utang, walang patong na interest, at pwede ka pang makahingi ng discount!
Mag Ipon Para Sa Retirement
Kapag ikaw ay nag retire, ang regular na kita mo ay titigil pero ang gastusin sa pang araw araw ay hindi. Kapag wala ka nang kinikita, sino ang mag po-provide sa iyong mga pangangailangan? Ang iyong mudra, shopatid, o junakis?
Gusto mo bang malaman kung magkano ang kakailanganin mo para mapanatili mo ang iyong lifestyle sa ngayon, kapag ikaw ay nag retire? ‘Eto s’ya…
1. Magkano ang ginagastos mo sa isang buwan para lang sa iyong basic living expenses (food, shelter, transportation, utility bills, etc.)?
2. Ilang taon ka pa magtatrabaho bago ka mag retire?
3. I-multiply mo ang iyong sagot sa #1 sa katumbas na inflation factor na nasa table. Ang factor na ito ay ang epekto ng inflation sa iyong basic living expenses.
Halimbawa: 35 years old na ako ngayong 2013. Kung gusto ko mag retire sa edad na 60, meron pa akong 25 years para mag trabaho. Ang ginagastos ko sa isang buwan para sa living expenses ay nasa P20,000.
So, para ma-maintain ko ang aking lifestyle kapag ako ay nag retire, kakailanganin ko ng:
P20,000 x 3.6 = P72,000 bawat buwan!
P72,000 x 12 = P864,000 bawat taon!
Kung ikaw ay kasing edad ko, saan mo hahagilapin ang P72,000 buwan buwan kung wala nang income na pumapasok? At take note, living expenses pa lang ‘yan. Hindi pa d’yan kasama ang iba pang mga gastusin gaya ng gamot sa rayuma at adult diaper hehehe.
Kaya bang sagutin ‘yan ng pension mo? At yung perang makukuha mo kapag ikaw ay nag retire, gaano katagal ang aabutin nito bago maubos?
“Ang average life span ng mga Pinoy sa ngayon ay 85 years old.”
Nasa kultura nating mga Pinoy na alagaan ang ating mga magulang kapag sila ay “tanders” na at hindi na kayang alagaan ang kanilang mga sarili. Isa ito sa mga bagay na proud ako as a Filipino.
Pero tandaan mo na by the time na senior citizen ka na, ang mga anak mo ay may kanya kanya nang pamilya. Ang kinikita nila na dapat ay napupunta sa iyong mga apo ay nababawasan pa para maalagaan ka. Gusto mo ba talagang maging pabigat sa iyong mga anak?
Kung ikaw ay nag invest para sa iyong retirement, masaya kang maaalagaan ng iyong mga anak habang kapiling ang iyong mga apo, at hindi ka pabigat sa kanila dahil ikaw ay may sariling pera.
Makalaya Sa Kahirapan
Merong dalawang klase ng kita, ang Active Income at Passive Income.
Active Income: Ito ay ang iyong trabaho o ang kita ng iyong negosyo. Kasama dito ang iyong sahod, kita, tip, o bonus. Kailangan mong magtrabaho para ikaw ay kumita. No work, no pay.
Passive Income: Ito naman ay ang pera mong nagtatrabaho para sa’yo. Kasama dito ang iyong investment at kita sa pinapaupahan mong bahay o pwesto. Kahit tumigil ka sa pag trabaho, kumikita ka pa rin.
Ang passive income ay ang goal natin kung bakit tayo mag i-invest. Ito ang susi para makalaya sa kahirapan. Kapag nakapag invest ka na ng sapat na pera, hindi mo na kailangang mag trabaho pa dahil ang passive income mo na ang sasagot sa iyong lifestyle expenses.
At kung hindi mo na kailangan mag trabaho, marami ka nang oras para gawin ang mga gusto mo sa buhay gaya ng:
- Makipag laro sa mga apo
- Mag travel sa kung saang lupalop ng mundo
- Mag alaga ng mga halaman, mag paint, mag cross stitch, at kung ano pang mga hobbies
- Mag ballroom kasama ng iyong mga amiga
- Mag tayo ng charity para makatulong sa mga nangangailangan
- Mag fund raising para sa iyong charity
- Mag Facebook ng walang humpay
- Panoorin lahat ng mga telenovela ng lahat ng channels
Kapag na achieve mo na ito, ikaw ngayon ay nasa posisyon para tulungan ang ibang tao na marating ang kinaroroonan mo. Ang sarap isipin, ‘di ba?
No comments:
Post a Comment